Noong Abril 19-21, 2022 inilunsad ng Marist Student Coordinating Body- Senior High School (MSCB-SHS) ang programang “Boto Diretso.” 

Layunin ng programang ito na ipaalam sa komunidad ang kahalagahan ng pagboto sa darating na eleksyon. Bukod pa riyan, naglalayon din itong mabuksan ang isipan ng mga tao sa talamak na pagpapakalat ng fake news at misinformation. 

Sa tulong ng mga gawain tulad ng infographics na nagbibigay kaalaman sa pagboto, paglulunsad ng webinar at pagsasagawa ng mock elections sa Senior High School higit na nakita ang gampanin ng mga kabataan sa mahalagang yugto na ito ng bansa, ang pagboto.

Webinar

Para sa unang araw, isang webinar na pinamagatang “The Role of the Youth in the National Election” ang ginanap sa pamamagitan ng Zoom.

Nagbigay ng talumpati ang kasalukuyang Pangulo ng MSCB-SHS na si G. Kian Arboleda bago magsimula ang pagtalakay sa naturang paksa.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng programa upang lubos na mahasa ang kakayahan ng mga Marista na maging maalam at mapanuri sa ibobotong kandidato sa darating na halalan:

“The youth plays a huge role in today’s upcoming elections, and it is our responsibility that we cast our votes for the right candidate: a person who is competent, who is sincere in serving the Filipinos, and a person who embodies the Marist core values.”

Nagbahagi rin ng kanyang kaalaman si Mx. Nathalie Walker, Secretary-General ng Student Council Alliance of the Philippines (SCAP), tungkol sa kahalagahan ng kabataan sa pakikilahok sa mga pampulitikang diskurso, lalong-lalo na sa pagboto sa darating na halalan.

Kanyang binigyang-diin ang krisis sa edukasyon na kasalukuyang nangyayari sa ating bansa.  Inilahad niya na ang accessibility, quality , budget at kapakanan ng mga estudyante ang ilan sa mga isyu na kailangang tugunan ng pamahalaan. Sa pagkakaroon ng isang sistematikong tugon sa mga problemang ito, mungkahi niya ang pagkakaroon ng isang agresibong pagtugon sa COVID-19 para sa ligtas na pagbubukas ng mga paaralan, pandemic-responsive budget & monitoringaccessible mental health services at pagpapasa ng student’s rights and welfare bill sa kongreso.

Tinalakay din niya na ang 56% ng populasyon o humigit kumulang 65.7 milyong botante ay nagmumula sa sektor ng mga kabataan. Ipinahihiwatig lamang nito ang kahalagahan ng boto ng mga kabataan upang magluklok ng mga pinuno na tutulong upang mapabuti ang lipunan na matagal nang hinahangad ng sambayanan.

“Build the world you aspire to live in, dahil tayong kabataan ang pag-asa ng bayan natin. Kaya if we open our eyes to the truth, if we open our eyes to different assessments sa iba’t ibang realidad ng mundo, maganda na maaga pa lang ay gumagawa na tayo ng pagbabago sa ating mundo.”

Sa ikalawang araw ng programa, dalawang webinar na pinamagatang “Boto ng Marista: Boto sa Katotohanan, Boto Para sa Kinabukasan” at “The Current State of Voters and Youth Empowerment in the Election” ang ginanap sa pamamagitan ng Zoom.

Sinimulan ang programa sa pagbabahagi ng kasalukuyang Pangalawang Pangulo ng MSCB-SHS na si G. Zyrus Ramos, ng kanyang talumpati. 

Kanyang iginiit ang kahalagahan ng pagboto sa paparating na halalan dahil ito ang magtitiyak ng kinabukasan ng ating bansa. Kanya ring idinagdag na ang karapatang ito ay magamit nawa para sa ikabubuti ng ating bansa.

“The importance of voting will determine the future of our country. Elections are decided by the people, that is why we need to take some time to learn and support the candidate we admire. The power in a better future is in your vote, support the candidates that would benefit the nation for the greater good”

Si G. Aaron Viernes, guro sa Unibersidad ng Pilipinas ay nagbahagi ng kanyang kaalaman tungkol sa pagboto. 

Sinimulan niya ang talakayan sa pagbibigay ng konteksto sa EDSA People Power Revolution. Kanyan ibinahagi na ang EDSA ay hindi lamang tungkol sa pamilyang Aquino at Marcos, bagkus, ang rebolusyong ito ay isang kolektibong pakikibaka na nagpapahiwatig ng mga hirap na dinanas ng mga Pilipino noong panahon ng Martial Law.

“EDSA is our collective struggle. When I say ‘when EDSA is our collective struggle,’ you have to realize na hindi lang ito nagsimula noong 1986. Since 1972, there are so many people who have so willingly given up their lives and sacrificed so much in the name of democracy.”

Sa pangalawang paksa, nagbahagi ng impormasyon si G. Kian A. Noguera, ang Overall Head and Founder ng PiliPinas; Tatak Mo, Tatak Natin Para sa Bayan, tungkol sa estado ng mga botante sa bansa at ang kahalagahan ng kabataan sa pakikilahok sa halalan at pamahalaan.

Sinimulan niya ang kanyang pagbabahagi sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng voters education. Ipinahayag niya na ito’y isang paraan na kung saan tayo ay nakapagbibigay ng kaalaman sa mga mamamayan kung paano bumoto nang wasto, upang nang sa gayon sila ay mahikayat na makisali sa proseso ng paghalal ng mga nararapat na tagapaglingkod ng ating bayan.

Giniit niya na ang boto ng bawat isa ay mahalaga at dapat ito ay napangangalagaan nang mabuti sapagkat matitiyak nito ang kinabukasan ng ating bansa:

“It’s been repeatedly manifested that the youth is the hope for the future of our nation, however, we must recognize that our role as the youth in imparting change begins today.”

Mock Elections

Bilang pagtatapos sa “Boto Diresto”, ang MSCB-SHS kasama ang COMELEC, ay nagsagawa ng Mock Elections para sa mga mag-aaral ng Senior High School.

Ang mga mag-aaral sa Senior High School ay nagkaroon ng voter turnout na 88.32%. Mula sa populasyon na ito, 30.58% ang mga rehistradong botante. 

Ayon sa resulta ng bilangan, ang tambalang Robredo-Pangilinan ang nakakuha ng pinakamaraming boto. Nakakuha si Bise Presidente Leni Robredo ng 75.21% ng mga boto, at si Sen. Kiko Pangilinan naman ng 63.09% ng mga boto. Para sa mga senador, ang mga nakabilang sa listahan ay ang mga sumusunod; (1) Chel Diokno, (2) Risa Hontiveros, (3) Leila De Lima, (4) Teddy Baguilat, (5-7) Neri Colmenares, (5-7) Kuya Alex Lacson, (5-7) Antonio Trillanes, (8) Wow Dick Gordon, (9) Luke Espiritu, (10) Chiz Escudero, (11-13) Alan Peter Cayetano, (11-13) Sonny Matula, at (11-13) Idol Raffy Tulfo.

Sa proseso ng pagboto para sa isinagawang mock elections, ang mga estudyante mula sa Senior High School ay nagsagawa ng kanilang pagboto sa kanilang Homeroom period gamit ang Google forms.

Upang tiyakin na ang bawat boto ay naisama sa pagtatala ng resulta,  ang COMELEC ng Marist School ay nagsagawa ng canvassing of votes. Katuwang nila ang SHS Asst. Principal Gng. Charissa Guevara, mga piling guro, ang pamunuan ng MSCB-SHS at kinatawan ng bawat homeroom. Isaiah Salalila // Image from Blue & Gold’s Facebook Page

Leave a Reply