May nakita akong babasahin sa Facebook na ang sabi ay “I believe it, but I do not buy it” o sa Tagalog, “Pinaniniwalaan ko pero ‘di ko tinatangkilik.” Tama nga naman, para tangkilikin mo ang isang bagay, hindi sapat na ito ay kapani-paniwala lamang kundi ay karapat-dapat din itong tangkilikin. Ika nga ni Prof. Ronald MacDougall ng University of Ontario, “It would be lovely to think that we believe things because they are true, and disbelieve them because they are false… But it’s hardly the only criteria that makes an idea stick or spread.” 

Kung sabagay, bakit mo nga ba bibilhin ang isang bagay na hindi pa tapos?

Hindi man nila lantarang ipahayag, ganito ang tingin sa mga kabataang tulad ko, tulad natin, na nagsusumikap na mamuhay sa mga pamamaraang hindi pangkaraniwan. Oo, naniniwala sila na iba ang landas na nais nating tahakin ngunit hindi nila ito pinananaligan. Bakit? Maaaring dahil hindi PA ito lubusang nananalaytay sa ating pagkatao, hindi PA tayo bihasa sa paraang ito, o ‘di naman kaya hindi PA natin ito isinasabuhay nang husto. Hindi PA.

Oo, hindi pa tayo buo, we are still works in progress

Tayong mga kabataan ay maihahalintulad sa isang putik na nasa kamay ng magpapalayok, dahan-dahang hinuhulma hanggang sa maging isang plorera. Ngunit ang dahan-dahang paghulma na ito ay hindi natatapos sa simpleng putik na plorera, pinagaganda pa ito ng pintor sa paghahalo-halo ng samu’t saring magagandang kulay. Subalit walang ng mas gaganda pa sa plorera na nilagyan ng sariwang bulaklak, bulaklak matingkad ang kulay, mabango kaya naman kay gandang pagmasdan. At ang sisidlang ito na pakalat-kalat lamang ay isa nang ganap na likhang sining, isang yaman na maipamamana sa iba’t ibang henerasyon.

Oo, hindi pa tayo buo, ngunit balang araw ay mabubuo rin tayo.

Maaaring tayo’y mahulma bilang pinggan, palayok, banga, paso, o plorera. Hindi natin alam ang plano ng magpapalayok, subalit isa lang ang tiyak; alam nating may kahahantungan ito. 

Oo, hindi pa tayo buo, we are still works in progress. Marami pa tayong kailangan matutuhan, pagdaanan, at maramdaman. Marami pa tayong hindi natutuklasan, hindi natatamasa at hindi natatanaw. 

Ngunit, ikaw bilang kabataan na tulad nang hinuhulmang putik, nanalig pa ba tayo sa magpapalayok? kailangan pa nga ba natin siya?

Kung oo, salamat sa Diyos, mahuhulma ka’t higit pa. Pipintahan ka ng ginto at gagayakan ng matitingkad na mga kulay at puputungan ka ng mahalimuyak na bulaklak. Matutupad ang layunin ng putik: ang maging kahanga-hangang sisidlan.

Kung hindi, salamat pa rin sa Diyos dahil nabasa mo ang editoryal na ito. Kung nais ng putik na sundin ang sarili nitong hangarin, mananatili itong putik sa habang panahon. Kaya’t panahon na upang tupdin ang iyong layunin bilang putik, na mahulma, mapintahan, magayakan, at mapahalagahan. 

Oo, hindi pa tayo buo, we are still works in progress. Ngunit pasasaan pa at mabubuo rin tayo. Para sa mga nakatatandang nagbabasa nito, pakiusap sampu ng mga kabataang tulad ko, samahan ninyo ang magpapalayok sa matiyaga, punong-punong ng pagmamahal na paghubog sa amin. ‘Wag mag-alala mahuhubog din po kami!

At sa mga kapwa ko kabataan, ‘wag matakot magpahulma tayo, hayaan natin hubugin tayo ng Diyos at ng mga nakatatanda sa atin. Di hamak na mas may karanasan na sila kaysa sa atin. Ang kailangan lamang nating gawin ay magtiwala, oo pagkatiwalaan natin sila.

Nawa’y makintal sa ating isipan ang sinabi ng aming kapatid sa Order of Preachers na si Santa Catalina ng Siena: Be who God wants you to be and you will set the world in fire.

Pasasaan pa at mabubuo rin tayo. Humingang malalim, magpaubaya sa Kanyang kamay, at magtiwala sa Kanyang karunungan. Dahil para sa kanya hindi ka masasayang, hindi ka matatalo. Marcus Timotii Sison, O.P.

Leave a Reply