Ngayong Lunes, Oktubre 4, 2021 ay pormal nang sinimulan ang pagdiriwang ng Linggo ng Filipino at Araling Panlipunan.

Ang tema ng pagdiriwang ngayong taon ay MARISTAtag: WiKasaysayan sa Pagbangon at Pagtatagumpay sa Hamon ng Bagong Kadawyan. Ang nasabing tema ay nakatuon sa katatagan ng mga Marista sa pagtugon at pagtatagumpay sa hamon ng bagong kadawyan o new normal.

Maraming inihandang gawain ang kagawaran ng Filipino at Araling Panlipunan para sa naturang pagdiriwang. Layon ng mga gawaing ito na pahalagahan ang magagandang katangian ng mga Marista sa pagharap sa hamon ng pandemya at maipakita ang kanilang kahusayan sa pamamagitan ng pagtugon sa mga malikhaing gawain sa klase. 

Baitang 7Bayaning Pilipino, ating Igayak!
Baitang 8Regional Headdress
Baitang 9Spoken Word Poetry
Baitang 10SayaWika
Baitang 11Kritikal na Pagsusuri at Pagpapahayag
Baitang 12PictoSay: Larawang Sanaysay

Ang mga gawaing ito ay makatutulong upang higit na mapahalagahan ng mga Marista ang ating kasaysayan at mayamang kultura. Dagdag pa rito nilalayon din ng mga nasabing gawain na magamit ang wikang Filipino at mga katutubong wika upang maghatid ng pag-asa at  inspirasyon sa ating kapwa sa panahon ng pandemya.

Nagsimula ang pagdiriwang sa mensaheng ibinigay ng mga gurong tagapag-ugnay na sina Gng. Ma. Teresa Garlit at G. Christian Mark Artugue sa mga Marista.

“Gamitin at patuloy pa ring mahalin ang wikang Filipino kahit matuto man o maging magaling sa pagsasalita ng ibang wika lalo na ang wikang Ingles,” wika ni Gng. Garlit.

“Sa lahat ng hamong kinahaharap ng mga Marista, nananaig at nangingibabaw ang pagkakaroon ng pananampalataya sa ating Diyos. Sa pagtitiwala natin sa Diyos kasama ang ating mahal na Inang si Maria ay mas tumitibay at tumatatag tayo. Kaya sana’y lalong tumatag ang kanilang pananampalataya,” ayon naman kay G. Artugue.

Sa pagdiriwang ng Linggo ng Filipino at Araling Panlipunan manahan nawa sa ating lahat ang katatagan ng puso at pananampalataya anumang hamon ang pagdaanan.  Xian Dato

Leave a Reply