Ang ‘Trese’ ay isang serye sa Netflix na gawa nina Jay Oliva at Tanya Yuson, at hango sa komiks na gawa naman nina Budjette Tan and Kajo Baldisimo. Ang kuwento ay umiikot kay Alexandra Trese at sa kanyang pagtulong na labanan ang kababalaghan na pumapaligid sa Maynila. Ang seryeng ito ay nanghiram ng iba’t ibang konsepto mula sa mitolohiyang Filipino upang bigyang buhay ang tingin ng manonood sa iba’t ibang pamahiin at paniniwala na naluma na ng makabagong panahon. Dahil dito, maaari itong ituring na ‘SOCO’ na hinaluan ng kababalaghan at pamahiin. 

Dahil sa malikhaing pag-aangkop ng ‘Trese’ sa iba’t ibang aspeto ng ating mitolohiya, maaaring pamilyar ang iilang ideya rito, ngunit baka may iilan ding konsepto na ‘di na natin gaanong maalala o hindi pa natin natutuklasan. Kaya naman ito ang treseng ideya na hinango ng unang episode ng ‘Trese’ sa ating kultura. 

BABALA: Maaaring maging “spoiler” ang ibang bahagi sa nauna ng episode ng ‘Trese.’ Ang palabas na ito ay may bahid ng karahasan, duguang eksena at mga katatakutan kaya’t panoorin nang may tamang patnubay.

1. Pambungad na awit

Ang musikang bubungad sa bawat episode ng ‘Trese’, ay hango sa awiting “Balluha di Bayyauhe,” katutubong awit ng mga Ifugao. Hinaluan ang awiting ito ng makabagong tunog. At ang resulta ay isang modernong awitin na nakapaninindig-balahibo at inihahanda ang manonood sa tamang disposiyon upang panoorin ang serye.

2. Trese, Ang Mandirigmang-Babaylan

Ang pangunahing tauhang si Trese ay tinatawag na babaylan. Ang babaylan sa Pilipinas ay kadalasang babae, na itinuturing bilang manggagamot at kayang pumasok sa mundo ng mga espiritu, kaya nama’y sila’y tagahilom ng katawan at kaluluwa ng isang mandirigma. Ipinakilala ang ina ni Trese, na isa ring babaylan at unti-unting makikita sa unang episode ang mga gawain ng isang babaylan. Sa simula pa lamang ng episode ay agad nang mapapansin ang kakaibang kakayahan ni Trese bilang babaylan ng kanyang tinulungan ang sumakabilang buhay na White Lady. 

Sa simula pa lamang ng episode ay agad nang mapapansin ang kakaibang kakayahan ni Trese bilang babaylan ng kanyang tinulungan ang sumakabilang buhay na White Lady. 

Ang kakaiba kay Alexandra Trese ay itinuturing din siya bilang isang mandirigma tulad ng kanyang ama. Kakaiba ito sapagkat ang pagiging mandirigma ay kadalasang itinatalaga lamang sa kalalakihan ng isang tribo. Kaya bukod sa makabagong pagtalakay sa mitolohiya at pamahiin, makabago rin ang pagtalakay ng ‘Trese’ sa tungkulin ng babae sa lipunan, bilang sila’y nakikitang may kakayanan na maging mandirigma at babaylan.

3. Sinag

Makabago ang atake ng Trese sa mitolohiyang Pilipino dahil sa maaksyon nitong mga eksena. Hindi mawawala rito ang pangunahing sandata ni Alexandra- ang kanyang kris na pinangalanan sa komiks bilang “Sinag.” Ang kris ay isang tunay na sandata na mas kilala sa tawag na punyal. Ang punyal ay isang sandata na kadalasang ginagamit ng Maranao, at natatangi ito sa makurbang nitong hugis na tila-alon.

4. Baybayin

Binigyang tuon din nang nasabing palabas ang paggamit ng simbolo, na nasa likod ni Trese. Matatandaan na sa unang episode ay may ganito ring simbolo na inukit ang ina ni Trese gamit ang patalim nito. Ang simbolong ito ay tinatawag na “Baybayin.”  Ang Baybayin ang sinaunang alpabeto ng mga Filipino, mula ito sa salitang “baybay” ng mga tagalog na nangangahulugang “lupaing nasa gilid ng dagat.” At ang “pagbabaybay” naman ay nangangahulugang ispeling.  Ang baybayin sa paskil ay nangangahulugang:  “Ika-anim na anak ng ika-anim na anak,” isang pahayag na tumutukoy kay Trese. 

5. Ang Kambal

Sa unang episode, makikita na may dalawang lalaki na kasa-kasama si Trese. Ang dalawang ito ay tinatawag sa komiks bilang “Ang Kambal.” Ang Kambal, na binubuo ni Crispin at Basilio, ay tumatayo bilang kakampi at tagapagtanggol ni Trese sa kanyang mga misyon. Ang kanilang pangalan ay hango sa akda ni Dr. Jose Rizal. Sila ang mga tauhan sa ‘Noli Me Tangere,’ ang mga anak nina Sisa at Pedro at mga sakristan ng San Diego na sina Crispin at Basilio. Ngunit naiiba ang Crispin at Basilio ng ‘Trese’ sapagkat sa halip na si Basilio, si Crispin ang nakatatanda sa dalawa. 

6. White Lady

Sa simula ng unang episode, iniimbestigahan nina Trese ang isang labi ng babae na pinaghihinalaang si Gina Santos, ang “White Lady ng Balete Drive.” Ang pinagmulan nito ay isang pamahiin na nagsasabing minumulto daw nito ang mga dumaraan sa Balete Drive; kung saan siya’y nagpapakita sa salamin ng kotse at biglang mawawala. Kaya naman ay madalas na tinuturo ang White Lady bilang dahilan ng mga aksidente sa nasabing lugar. Iniuugnay ang  “White Lady” sa isang babaeng sumakabilang-buhay na at lubos ang paghihinapis, kaya nais nitong maghiganti sa mga lalaking nakakasalamuha nito. Sa ‘Trese’ naman, ang “White Lady” ay niloko at ginawang alay sa mga aswang.

7. Nuno

Matapos makita ang labi ng White Lady, pinuntahan ni Trese si Nuno, isang nilalang na hango sa ‘nuno sa punso.’ Ang isang ‘“nuno sa punso” ay hawig sa isang duwende; isang matanda, at tila ermitanyong nilalang na nakatira sa isang punso, o nakaalsang lupa. Pinaniniwalaang nagdudulot ng aksidente ang pag-agrabyado sa nuno, kaya naman ay nauso ang pahayag na “Tabi-tabi po,” isang pahayag na sinabi rin ni Trese upang tawagin si Nuno. Ngunit sa halip na isang punso, si Nuno ay binagay sa makabagong mundo sapagkat siya ay isang “Nuno sa Manhole,” kung saan siya’y nagbibigay ng impormasyon kay Trese, kapalit ng Choc-nut. 

8. Lamang-lupa

Nang nagsabi ng “tabi-tabi po” si Trese, may nilalang na gawa sa lupa ang umalsa. Ito ay itinuturing na “lamang-lupa” sa mundo ng ‘Trese.’ Ang lamang-lupa ay alalay ni Nuno at maaaring tagapagtanggol na rin, mula sa kung paano ito kumilos noong dumating si Trese. Ngunit, sa kultura natin, “lamang-lupa” ang tawag sa mga nilalang na puno ng kababalaghan. Ang duwende, nuno, at iba pang nilalang na nakatira sa lupa ay kadalasan tinatawag nating “lamang-lupa.”

9. Santelmo

Si Santelmo ay ang umaapoy na ulong tinawag ni Trese gamit ang kanyang cellphone. Hango si Santelmo sa pangalan nitong santelmo, isang bola ng apoy o ilaw. Ito ay pinaniniwalaang nakikita kung saan naganap ang isang malaking aksidente o sunog. Dahil dito, madaling maunawaan bakit si Santelmo ang tinawagan ni Trese upang tukuyin ang naganap sa MRT. 

10. Ibu

Matapos makipag-usap kay Santelmo, tinawag ni Trese si Ibu upang mangalap pa ng mas maraming impormasyon sa mga nasawing babae. Sa kanyang pagtawag, dumating ang tagapagsalita nito at sila’y nagkaroon ng kasunduan. Ang Ibu sa ‘Trese’ ay hango kay Ibu; diyos ng kamatayan o ng mga patay ayon sa paniniwala ng mga Manobo, isang tribo mula sa Mindanao. 

11. Aswang

Sa pagdaan ng unang episode, tinuro ang mga aswang bilang pasimuno ng pagpaslang sa mga naninirahang tao sa Maynila sapagkat tinulungan sila ng Mayor. At nalaman din na ang pag-alay ng Mayor sa White Lady ang naging paraan niya upang makasabwat ang mga aswang. Ang mga aswang sa ‘Trese’ ay hango sa mitolohiya ng mga aswang. Ang mga aswang ay pinaniniwalaang mga nilalang na kumakain ng laman-loob at pumapaslang ng biktima tuwing gabi. Sila ay kadalasang magkakasama at nagtatago lamang habang naghihintay ng kanilang susunod na biktima. Madalas ding lumilipad ang mga aswang ayon sa pamahiin subalit, ang mga aswang sa ‘Trese’ ay mabilis lamang kumilos.

12. Xa Mul

Si Xa Mul ang lider ng grupo ng mga aswang na kasabwat ng alkalde (mayor) upang paslangin ang mga sibilyan. Ang pangalan ni Xa Mul ay hango sa espiritu na pinaniniwalaan ng mga Isneg, tribo na nagmula sa Apayao, bilang masamang espiritu na kumakain ng tao 

13. Trese, Lakan ng Sangkatauhan

Matapos talakayin ang iba’t ibang nilalang sa unang episode, sapat na ito upang malaman na si Trese ay tunay ngang “Lakan ng Sangkatauhan.” Siya’y madalas na tinatawag na tagapagsalita ni Ibu sa unang episode. Sa pahayag nito, nais niyang ipahayag na si Trese ang tagapagtanggol ng sangkatauhan. Ngunit, ang titulong “lakan” ay maaari ring gamitin upang ipahayag ang mataas na posisyon. Noon, ang Lakan ang itinuturing na pinakamataas na tungkulin sa barangay. Ngayon, ginagamit pa rin ang “lakan” bilang parangal o patunay ng mataas na posisyon sa isang larangan.


Tunay ngang mayaman ang ating kultura at higit itong makikita sa mga palabas tulad ng ‘Trese.’ Sana’y suportahan ang mga ganitong uri ng palabas, na may layuning maipakita at lalong pahalagahan ang ating kultura ; ‘di lang ng ating kapwa Filipino, pati na rin sa iba’t ibang panig ng mundo. 

Hindi kailangan ng malalim na Filipino upang maintindihan ang ‘Trese’ sapagkat kaalaman sa kultura ang iyong magiging susi. Kung ikaw ay interesado sa maaksyon na depiksyon ng ating mitolohiya sa makabagong panahon, mapapanood ang ‘Trese’ sa Netflix. Arden Anagap // Mga screenshot mula sa ‘Trese’ sa Netflix

Leave a Reply