Ang mga Pilipinong ina ay madalas na tinatawag na ilaw ng tahanan, sapagkat nagsusumikap sila araw-araw upang gabayan at pangalagaan ang kanilang pamilya sa tahanan. Nanatili sila sa tahanan upang alagaan ang pamilya at gawin ang mga gawaing bahay- ito ang kadalasan na nagiging pananaw sa kanila. Hindi pangkaraniwan para sa mga ina na gampanan ang tungkulin ng ama, ngunit ngayon dumarami na ang mga ina na makikitang nagtatrabaho para sa pamilya, pati na rin ang mga kababaihang hindi nagnanais na magsimula ng sariling pamilya.

Nagsisikap ang mga ina na gampanan ang dalawang responsibilidad na itinakda sa kanila ng lipunan. Nagtatrabaho sila nang matagal sa kanilang mga trabaho at pagdating ng bahay sa halip na umuwi para magpahinga, ay gagawa sila ng mga gawaing-bahay.  Hindi lamang nila pinagsasabay ang dalawang  tungkulin, ngunit ang ilang mga babae ay pinipilit na sumunod sa imahen ng isang Inang Pilipino.

Ito ang kinahaharap ng ating mga kababaihan araw-araw. Hindi patas ang mga kritisismo mula sa mga taong may mga konserbatibong pananaw sa  lipunan. Mas nakagugulat pa na ang mga kalalakihan ay ligtas mula sa parehong kritisismo na hinaharap ng kababaihan. Sa lahat ng pagsisikap na ginagawa ng mga babae sa lipunan, binibigyan nga ba natin sila ng sapat na pagkilala?

Hindi na nga kinikilala ang kanilang pagsisikap, kinukutya pa ang kanilang mga aksyon na kontra sa imahen ng ina. Ito ang mabigat na pasanin na buhat-buhat ng mga kababaihan, pero hindi ng mga kalalakihan. Kaya’t kapag sinabi ng mga tao na ang kababaihan ay inihahandang maging “ilaw ng tahanan,” para sa akin, mas angkop na tawagin silang “apoy.” Ang apoy na sinusubukan at ibinibigay ang lahat upang magpatuloy sa pagliyab. Inuubos ang lahat ng lakas na mayroon siya ngunit hindi kailanman maaabot ang totoong pagliyab kahit pa ito’y palaging sinusubukan na maapula. Josh Caballa // Dibuho Ni Arden Anagap

Leave a Reply