Ano nga ba ang Traslacion? 

Ang Traslacion ay salitang Espanyol na nangahuhulugang “paglipat.” Dalawa sa pinakakilalang Traslacion sa Pilipinas ay ang Traslacion ng Nazareno sa Quiapo, Maynila at ang Traslacion ng Virgen ng Penafrancia sa Naga, Bicol. Ang Traslacion ng Mahal na Poong Nazareno ay ang tinaguriang “most attended religious event” dito sa Pilipinas. Ipinagdiriwang ito tuwing ika-siyam ng Enero. 

Bakit tuwing ika-siyam ng Enero ginaganap ang Traslacion?

Isinasagawa ang Traslacion bilang pag-alala sa paglipat ng imahen mula sa pangangalaga ng Conregasyon ng Recoletos patungo sa Simbahan ng Quiapo. Ang unang Traslacion ay naganap noong Enero 9, 1787 kung saan ang imahen ay dinala mula sa Intramuros patungong Quiapo. 

Bakit tinawag ang imahen na “Itim na Nazareno”?

Nakasanayang tawaging “Itim na Nazareno” ang imahen dahil sa kulay nito. Katangi-tangi ang itim na kulay ng imahen dala na rin ng maliit na bilang ng mga itim na imahen dito sa Pilipinas. Sinasabing nakuha ng Nazareno ang kulay nitong “itim” mula sa pagkasunog noong naglalakbay ang barkong sinasakyan nito mula Mexico patungong Pilipinas. Ngunit ayon kay Msgr. Sabino Vengco, mula sa Paaralang Teolohiya ng Loyola, hindi raw totoo ang nakasanayang paliwanag na ito. Itim na raw ito noong una pa lamang dahil ito ay gawa mula sa maitim na kahoy ng Mesquite.

Bakit napagpapalit ang tawag sa Traslacion?

Natatawag ang selebrasyon na “Itim na Nazareno” bilang pagpapaiksi sa “Pista ng Itim na Nazareno.” Madalas na napagpapalit ang paggamit ng Traslacion at Pista ng Itim na Nazareno ngunit magkaiba ang dalawa. Ang Pista ng Itim na Nazareno ay ginaganap lamang tuwing ika-siyam ng Enero, samantalang ang Traslacion ay nagaganap tatlong beses kada taon, kasama na rito ang paggunita ng Pista ng Itim na Nazareno. 

Paano isinasagawa ang Traslacion?

Ang Traslacion ng Nazareno ay kadalasang nagsisimula ng alas-5 ng umaga sa Quirino Grandstand, matapos ang misang pinamumunuan ng Rector ng Quiapo Church at ang homilia na isinasagawa ng Arsobispo ng Maynila. Umaabot ng 220,000 na katao taon-taon ang sumasali rito. Ang ibang mga deboto ay sumasama sa prosesyon ng imahen, umaasang mahawakan, mahalikan, o mapahiran ng kanilang panyo ang imahen. Ang ibang deboto nama’y nag-aabang na lamang sa Parokya ng Del Carmen upang matunghayan ang Dungaw o ang pagkikita ng Imahen ng Birhen ng Del Carmen at ng Nazareno. Kadalasang ginagawa ng mga deboto ang pagsampa sa “Andas” o kinatatayuan ng imahen. Ang huling destinasyon ng Imahen ay sa Quiapo Church, kung saan marami pa ring mga deboto ang nag-aabang sa imahen. At sa ika-siyam ng gabi sa Quiapo Church din nagtatapos ang Traslacion. David Lumba

Sanggunian

 Melton, G. (2011). Religious Celebrations: An Encyclopedia of Holidays, Festivals, Solemn Observances, and Spiritual Commemorations. ABC-CLIO. pp. 118–119. 

Twigg, T. (2015). The Black Nazarene: A Philippine National Ethos. TAASA Review Volume 24 No.2. 

Vengco, S. (2020). The truth behind the Black Nazarene’s color. Retrieved from https://cnnphilippines.com/news/2019/1/9/truth-behind-black-nazarene-color.html

Leave a Reply