Sa malayong lupain ay naninirahan ang kambal na mga diyosa. Magkatulad ang mukha, pati na rin ang ugali. 

Ang matangkad na kambal ay higit na kinagigiliwan ng mga tao. Siya ang dinadasalan at sinasamba ng mga ito. 

Dahil dito, ang maliit na kambal ay lubhang nainis sa atensyon na nakukuha ng kanyang kakambal mula sa mga tao, gayung magkawangis naman sila. 

Ngunit ang matangkad na diyosa ay may sarili rin palang hinagpis. Dahil sa kanyang katangkaran, lubhang pagpapawis ang nararanasan.

Pinalala pa ito ng ulo niyang napakahirap linisin. Kaya naman ang diyosa ay may taglay na kabahuan.

Araw-araw ay naiinggit ang maliit na kambal, sapagkat tila pinagkakaitan siya ng pagmamahal. 

“Siya na lang ang laging napapansin,” ani ng maliit, na sinundan ng, “Sana siya na lang ang mukhang bubwit.”

Mula sa hiling ng diyosang kulang sa alaga, ang kanyang matangkad na kambal ay biglang naging daga. 

Ani ng maliit na diyosa: “Saan nanggagaling ang mabahong amoy na iyon?” Lingid sa kaalaman niya, ito pala’y ang kanyang kaputol.

Dala ng takot na siya ay matapakan, ang dagang diyosa ay biglang tumakbo, dala ang napakabaho at nakahihilong amoy. 

Ang diyosang naging daga ay nagdala ng sakit, ubong nakamamatay, at iba pang pasakit.

Nagalit ang kanilang ama nang ito’y malaman. Agad niyang pinagbayad ang may kinalaman.

Hindi matapos-tapos ang kanilang bangayan at walang nais magpatalo.

Upang mahuli ang salarin, ang maliit na diyosa ay biglang naging pusa at agad na hinanap ang pesteng nagdudulot ng sakit at kaguluhan.

Ang kambal ay humantong sa matinding habulan; na nagdulot ng pagyanig ng lupa na kinagising ng bulkan.

Sa bilis ng kanilang takbo, tila huminto ang mundo; bumagal ang ikot at nainip ang mga tao.

Hindi matapos-tapos ang kanilang bangayan at walang nais magpatalo.

Hanggang may nakita silang isang bagay na hugis bilog. Ito’y may dalawang mukha at tunay na kaakit-akit.

“Isang barya!” sigaw nila. At biglang nahimasmasan ang dalawa at agad na tumigil sa paghahabulan.

Kanila itong sinilip at nagulat sila ng kanila itong matitigan. Ang mga mukha ng barya sa kanila’y tila may sinasabi. Agad na napaisip ang kambal. 

Sila’y tulad ng barya; magkaiba man ang itsura ng mga mukha, magkadikit at magkasama naman ang mga ito sa hirap at ginhawa.

Nang matapos ang alitan, bumalik sila sa kanilang ama at sila’y naghintay sa kanilang magiging parusa.

Kahit galit, naawa ang ama, kaya ang kanilang itsura ay ginawa nang iisa.

Ang kambal ay naging mga pusa na may kurbadang buntot na tila sawa.

At mula noon, ang kambal ay ‘di na nawalay sa isa’t isa. Ang diyosang kambal ay laging magkasunod na dalawang pusa. ‘Di naglaon, “dalawampu” ang naging tawag sa bilang na kahugis ang kambal na ito. At magkasunod na dalawampu, “2020,” ang tinawag sa taon na tinagal ng kanilang habulan. Dibuho ni Halley Carvajal

Leave a Reply