Nakiisa ang paaralan sa pagdiriwang ng Pasko sa pamamagitan ng isang misang ginanap sa dambana ng Ina ng mga Walang Mag-Ampon noong Disyembre 25, 2020 na pinamunuan ni Rev. Padre Jung Deang, ang rektor at administrador ng dambana.

Sa kaniyang homilya, binigyang-diin ni Padre Jung ang mga biyayang dapat ipagpasalamat ngayong Pasko tulad ng malinis na pamumuhay, magandang kalusugan, ang ating pamilya at mga kaibigan, mga sugo ng Diyos, materyal na bagay, at malinis na puso.

“Hayaan nating tunawin niya ang pagmamataas, kayabangan, kuripot na pagpapatawad, pagmamadamot sa habag at awa, matigas na pusong sinimento ng galit, at sakit sa mga karanasang ayaw nating isuko. Sabihin natin sa sanggol, ang paulit-ulit nating kasalanan,” sabi niya.

Dagdag pa ni Padre Deang na ang malawak na pag-unawa, karunungang magpasalamat, at ang pabiro niyang sinabi na pagiging positibo sa kabutihan, habang nanatiling negatibo mula sa COVID-19 ay mga bagay na dapat nating ipagpasalamat.

“Tangkilikin ang kabaitan ng iba, pagka’t ikaw din ay may ginintuang kalooban. Manatiling tapat sa Diyos at sa pamilya,” dagdag niya.

Nagwakas ang homilya sa paalalang hindi kasalanan ang rason kung bakit sinugo ng Diyos ang kaniyang anak, bagkus ito ay dahil sa pagmamahal niya para sa atin. David Lumba

Leave a Reply