Ang mga kuwentong bayan ng Pilipinas ay mayaman sa kababalaghan at nababalot ng misteryo. Kaya naman ang hiwagang taglay ng mga kuwentong ito ay lalong pinalalawak ng iba’t ibang nilalang na nabuo sa imahinasyon nating mga Pilipino. Ngunit sa makabagong panahon, unti-unting nawawala ang paglaganap ng kwentong bayan kasabay ng pagkawala ng paniniwala natin sa hiwaga at misteryo. 

Sa pamamagitan ng paniniwala sa kanila, nagiging mas maingat ang tao sa kalikasan. Ang pagbibigay-anyo sa mga nilalang na pumoprotekta sa kalikasan ay nagturo sa ating mga ninuno na igalang at pahalagahan ang buhay na nakapaloob sa mga punso, puno, karagatan, at iba pa. Kaya kahit walang pisikal na nilalang ang nangangalaga sa kalikasan, ang kanilang mga kuwento ang mismong nagbigay-buhay at tumutulong na payabungin ang kultura ng paggalang sa ating likas-yaman.

Ang mga nilalang na ito ay nakilala natin sa pahina ng aklat, mga kuwentong nagpasalin-salin sa iba’t ibang henerasyon, at ngayon ay higit nating nakilala sa mga pelikula at palabas sa telebisyon. Ating balikan ang mga kuwento ng mga nilalang na pumukaw sa ating imahinasyon at lalo pang nagpatingkad sa mayabong na panitikan ng ating bansa.  

1. Tiyanak

Ang tiyanak ay tinuturing na “pinanganak sa lupa.” Mala “anghel” kung iyong titingnan, ngunit ‘wag kang kukurap sapagkat ito’y mag-aanyong isang mabangis na halimaw.

Ang tiyanak ay isang bersyon ng aswang na nagpapanggap bilang isang sanggol. Nagbabago ito ng anyo at nagtatago sa mga bakanteng lugar. Umiiyak nang malakas upang siya’y kaawaan at mapansin. Kapag nakuha na nito ang tiwala ng tao, bigla itong sumasalakay; kinakagat sa leeg ang kawawang biktima, kukunin ang laman loob, at sisipsipin ang sariwang dugo nito. Tulad ng ibang engkanto, pinaniniwalaang mapaglaro ito at winawala ang mga nais nitong paglaruan. Kaya naman ang pagbabaliktad ng damit ay sinasabing makatutulong upang malito ang mapaglarong tiyanak.

Nang lumaganap ang Kristiyanismo, nasama ang paniniwalang ito sa kwento ng tiyanak. Ang mga tiyanak ay pinaniniwalaang mga sanggol na hindi naisilang, o hindi nabinyagan bago mamatay. Dahil sa paniniwalang ang tiyanak ay isang bersyon ng aswang, ang rosaryo at bawang, na pinaniniwalaang pangontra sa aswang, ay siya ring panlaban dito.

2. Nuno sa Punso

Ang nuno sa punso ay isang maliit na matandang lalaki (nuno) na naninirahan sa punso ng mga anay. Ang pagsira at pagtapak sa punso na sinasabing tirahan ng nuno ay maaaring mauwi sa sa mga hindi kanais-nais na karamdaman at sakit tulad ng pamamaga ng parte ng katawan, pagkakaroon ng bukol, at iba pang ‘di maipaliwanag na pananakit ng katawan. 

Ang nuno sa punso ang dahilan kung bakit lumaganap ang katagang: “Tabi-tabi po, makikiraan lang po!” sa tuwing tayo ay mapapadaan sa mga liblib na lugar o makakikita ng punso. Ito ay upang magpaalam o magbigay respeto sa nuno sa ating pagdaan.

Ipinakikita ng nuno ang paggalang ng ating mga ninuno sa ating lupa. Ang mga punso na hindi man tinitirhan ng nuno, ay tinitirhan naman ng mga insekto tulad ng langgam. Ang respeto na ipinakikita ng ating ninuno sa lupa ay higit na makikita sa paniniwala na huwag itong basta-bastang tapakan o gambalain. 

3. Duwende

Tulad ng nuno sa punso, ang duwende ay mahiwaga na maaaring makatulong o makapanakit ng tao. Maaari rin silang mangalaga ng mga tahanan. Sila’y naninirahan sa mga puno ng mangga o punso. Kung magagalaw mo ito, asahan mo na may matinding sakit na darating sa iyo.

May dalawang uri ng duwende – ang itim na duwende at ang puting duwende.

Batay sa pangalan nito, ang itim na duwende ay masama at binibigyan ng karamdaman ang sinumang ayaw nito. Kung mapipikon, pinaniniwalaang dinudukot nito ang mga kamag-anak at kapamilya ng may sala.

Ang puting duwende naman ay ang ang pinakamabait na duwende. Pinaniniwalaang ito’y nagbabantay ng tahanan kung ang iyong tahanan ay malapit sa puno ng mangga o punso nito.

Tulad ng nuno, ipinakikita ng duwende ang respeto ng ating mga ninuno sa kalikasan. Ang pagprotekta ng mga nilalang na ito sa kalikasan ay patunay na may halaga ang kalikasan sa ating mga ninuno. Pinaigting pa ito ng paniniwala na ang pagsasawalang bahala sa mga puno at punso ay nakapagdudulot ng malulubhang karamdaman.

4. Kapre

Ang mga kapre ay ang mga higanteng nakatira sa mga malalaki at malalagong puno. Ang kapre ay kadalasang inilalarawan na may taas na pito hanggang siyam na talampakan, maitim, mabuhok, mabahong nilalang na may matatalas na ngipin, mahahabang kuko at mahilig  manabako. Sa ibang mga bersyon, pinaniniwalaang mamboboso ang kapre o kaya naman ay nagdudulot ito ng sakit. 

Isa ang kapre sa pinaniniwalaang taga-protekta ng puno. Kaya ang pagputol at pagsira sa puno ay maaaring magdulot ng karamdaman dahil ito ay tirahan ng duwende o kapre. 

Sa kapre naman natin makikita ang paggalang ng ating mga ninuno sa mga puno. Ang mayayabong o malalagong puno ay kadalasang iniiwasang sirain dahil sa takot ng tao sa kapre. Makikita na ang pagkakaroon ng paniniwala sa isang higanteng taga-protekta ng puno ay sapat na upang magdalawang-isip ang sinumang nais na pumutol o sumira ng puno nang walang pag-aalinlangan.

5. Kataw

Ang kataw ay isang nilalang na nagmula sa Visayas. Ito’y maihahalintulad sa mga sirena na kalahating tao at kalahating isda, sila’y mga nilalang na pumoprotekta sa karagatan. Ang salitang “kataw” ay nangangahulugang “tulad natin” dahil ang mga kataw ay nag-aanyong tao. Ang mga kataw ay pinaniniwalaang nagpapanggap na nalulunod upang kumuha ng mga mangingisda o manlalakbay na kanyang dadalhin sa tahanan nito sa kailaliman ng dagat. 

Ayon sa mga kuwento, dinadakip ng mga kataw ang mga tao upang pakasalan. Sinasabi na bilang tagaprotekta ng karagatan, ang kanila lamang nilulunod at kinakain ay ang mga mangingisda na humuhuli at pumapatay ng isda pati na rin ang mga mahilig kumain ng isda.

Ipinakikita ang paggalang ng ating mga ninuno sa mga isda at anyong tubig sa pamamagitan ng kataw. Sa paniniwala rito, mas nagiging maingat ang mga mangingisda at manlalakbay sa iba pang nilalang na naninirahan sa karagatan. Higit na nagiging malay at bukas ang isipin ng ating mga ninuno sa peligro na maaaring mangyari sa paglapastangan sa karagatan.

Ang mga kuwentong bayan ay naging daan upang maiparating ng ating mga ninuno ang inaasahang gawin ng susunod na henerasyon sa kalikasan bilang sila ang mga tagapagmana nito. Dahil sa ilang ulit nang nagpasalin-salin ang mga kuwentong bayan, ang mga ito ay nabigyan na ng anyo na madaling maunawaan at matandaan ng mga kabataan. At ayon nga kay Prop. Felipe P. de Leon Jr., isang propesor ng Aralin sa Sining sa Kolehiyo ng Arte at Literatura ng UP Diliman: “Habang nagpapasalin-salin sa maraming henerasyon ang mga kuwentong bayan, ito ay humuhubog sa ating pagkatao at tumutulong sa pagbigay pag-asa tungo sa makabuluhang buhay.”

Ang mga nilalang sa ating kuwentong bayan ay nagsilbing boses ng kalikasan bago pa man tayo namulat sa kahalagahan nito. Ang respeto na kaakibat ng pagbibigay-anyo sa kalikasan gamit ang mga nilalang na ito ay sumasalamin sa pagmamahal at alaga na binigay ng ating ninuno sa ating mga anyong lupa at tubig. Nagbigay daan ito upang mas maging maingat ang Pilipino sa kalikasan at ‘wag itong basta-bastang balewalain. 

Ang makaramdam ng takot o tuwa sa mga nilalang na ‘di natin maunawaan, makita, o maramdaman ay nagtuturo sa atin na makiramdam sa ating kalikasan at bigyang halaga ang hiwaga at kagandahan nito. Unti-unting mang nawawala ang misteryo na bumabalot dito kasabay ng pagpasok ng makabagong panahon, ating dalhin ang pagpapahalaga at aruga na kinakatawan ng mga nilalang na ito. 

Katotohanan o kathang-isip man ang mga nilalang na ito masasalamin pa rin sa mga kuwentong ito ang mataas na pagpapahalaga na ibinibigay ng ating mga ninuno sa kalikasan. Dustin Uy at Arden Anagap // Mga dibuho ni Maria Dolores Caldona

Sanggunian:

Jadloc, M. (2017). K’wentong bayan mahalaga sa kabataan. UPdate Diliman. https://upd.edu.ph/kwentong-bayan-mahalaga-sa-kabataan/

Jordan, C. (2018). The merfolk of Philippine folklore. The Aswang Project. https://www.aswangproject.com/the-merfolk-of-philippine-folklore/

Limos, N. (2019). The classic cast of characters in Philippine folklore. Esquire. https://www.esquiremag.ph/long-reads/creatures-in-filipino-folklore-a00293-20191202-lfrm2

Leave a Reply