Noong Agosto 2019, boluntaryong nakibahagi si Bb Ma. Liezel Igoy, tagapag-ugnay ng kagawaran ng Filipino, bilang “Marist Lay Volunteer” na ang misyon ay ilaan ang kanilang sarili upang maglingkod sa kapwa at palaganapin ang pananampalataya at edukasyong Kristiyano. 

Inatasan siyang ipagpatuloy ang misyon sa Atlantis, Western Cape, South Africa. Ngunit dahil sa pandemya, naudlot ang pagpunta niya sa South Africa maging ang kanilang formation ngayong taon.

Ayon kay Bb. Igoy, nagsimula ang lahat sa Faculty General Assembly noong  2019. Sinabi ng dating pangulo ng paaralan na si Br. Niño Pizarro, FMS, na naghahanap ang LaValla200>, isang pandaigdigang pamayanan ng Marist Brothers at Laity, ng mga “Lay Volunteer” na sasama sa iba’t ibang bansa upang palaganapin ang kanilang misyon at mula rito, naengganyo siya na  maging bahagi ng nasabing komunidad. 

Ibinahagi niya ang mga naging paghahanda para sa kanyang pakikilahok sa LaValla200>. Aniya nanatili siya ng dalawang linggo sa Marist Asia-Pacific Center (MAPaC) kung saan dito niya natutuhan ang simpleng pamumuhay ng internasyonal na komunidad ng Marist. Samantalang Agosto 3 at 4 ng taong 2019 ay pumunta naman siya sa Bukidnon para sa isang formation

“Grabe, talagang ramdam na ramdam mo ang family spirit nila. Nakabibilib at nakahahawa rin yung enthusiasm at humility na mayroon sila. They are very down to earth,” ayon kay Bb. Igoy. 

Noong Mayo hanggang Hulyo, 2020 naman ay nakiisa siya sa isang online formation dito’y nakasama niya ang iba pang Marist Brothers at lay volunteers mula sa iba’t ibang mga bansa. 

Inamin niya na medyo nahirapan siyang dumalo sa mga pagsasanay sapagkat ang oras na nakalaan para rito ay 1:30-3:00 ng hapon sa Roma na katumbas ng 8:30-11:00 ng gabi sa Pilipinas. Ilan sa mga bahaging tinalakay sa pagsasanay ay tungkol sa discernment, communal spirit, at intercultural living.

Ramdam ang kasabikan kay Bb. Igoy dahil sa mga bagong bagay at bagong karanasang naghihintay sa kanya mula sa misyong gagawin. Ayon sa kanya, “Very excited ako dahil this will be life-changing, isama pa na mahilig din talaga akong mag-travel at matuto ng mga bagong bagay at karanasan. New place, new culture,” 

Dagdag pa niya, hangad din niyang magbigay ng inspirasyon at matuto sa mga taong kanyang nakakasama. Nakikita niya ito bilang “life-changing experience” at pagkakataon upang mas makilala pa ang kanyang sarili. 

Humanga rin ang guro sa misyon at pananaw ng mga Marist Brothers kasama na ang hindi matutumbasang pagmamahal, suporta at dedikasyon na ibinibigay nila upang matupad ang sinumpaang tungkulin. 

Kung sakaling wala nang maging problema at ligtas nang umalis, siya ay nakatakdang pumunta sa South Africa sa darating na Enero taong 2021. Marcus Timotii Sison

Leave a Reply