Sinimulan ang pagdiriwang ng October Devotion sa pamamagitan ng isang misang pinamunuan ni Rev. Padre. Reynante Tolentino, ang rektor at administrador ng katedral ng Antipolo, noong ika-1 ng Oktubre.

Sa kaniyang homilya, binigyang-diin ni Padre Tolentino ang kahalagahan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo lalo na ngayong humaharap tayo sa pagsubok dulot ng Covid 19.

“Sa kasaysayan ng mundo, ang pagdarasal ng Santo Rosaryo ay napakalaking bagay. Kasama ito sa ating malalim na pananampalataya, pakikipag-ugnayan sa Panginoong Hesuskristo, pananampalataya sa simbahan, at malalim na pagmamahal natin sa Mahal na Birheng Maria na kailanman ay hindi tayo iniwanan,” ayon sa kaniya.

Dagdag pa niya, kailangan ng tao ng gabay ng Diyos upang matugonan ang pandemyang ito.

“Ang lakas ng tao ay kulang para labanan ang pandemya. Kailangan natin ang Diyos na makapangyarihan na magtatanggol sa atin at  gabay ni Birheng Maria,” dagdag pa ni Padre Tolentino.

Bilang pagtatapos ng pagdiriwang pinangunahan ng kagawaran ng Religion sa pakikipag-ugnayan sa Campus Ministry Office ang sama-samang pagdarasal ng Santo Rosaryo para sa kagalingan ng mundo. Ginanap ito noong ika-22 ng Oktubre na may temang “Maria, Ina ng Kagalingan.”

Kasabay nito, nagkaroon din ng virtual Marian exhibit kung saan ipinakita ang iba’t ibang imahe ni Maria na mula sa mga mag-aaral at alumni ng paaralan. Michael Mendoza

Leave a Reply