Ang kultura ng debosyon ay dati nang dumadaloy sa dugo ng mga Filipino bago pa man dumating ang mga mananakop. Sa pagtingin sa mga engrandeng simbahan at pagmamasid sa mga nakaugaliang asal, mababatid agad na ang tradisyon ng pananampalataya ay nakaukit na sa pang-araw-araw na buhay ng mga Filipino. Ngunit, saan nga ba nag-uugat ang hindi mabasag-basag na kulturang ito?

Panahon pa lamang ng mga ninunong Filipino, mayroon na silang sariling pamamaraan ng pananampalataya—ang animismo. Ang paniniwalang ito ay nakasentro sa kapaligiran at sa mga espiritu ng kalikasan. Sa pagdating ng mga Espanyol sa bansa, unti-unti nang nawalan ng saysay ang animismo at isang bagong pananampalataya ang namayani—ang Kristiyanismo. Ngayon, ang Pilipinas ang kaisa-isang bansa sa Asya kung saan Kristiyanismo ang pinakanamamayaning relihiyon sapagkat mahigit 86% ng mga Filipino ay Kristiyano. 

Kahit tapos na ang pagsakop ng mga banyaga sa Pilipinas, mahihinuhang buhay na buhay pa rin ang kulturang iniwan nila. Ang kaisipan na may gumagabay na makapangyarihang nilalang na higit na mataas sa sangkatauhan ay kababalaghan at tradisyong nakaukit na sa kultura ng Pilipinas. Pinaigting pa lalo ang ating debosyon pagdating ng mga banyaga. Ngunit ano nga kaya ang ipinahihiwatig ng kaisipang laging may gumagabay sa buhay ng isang deboto?

Ayon kay Bro. Clifford Sorita, isang tanyag na sosyolohista, na mula sa mga teleserye at hanggang sa paunang salita sa ating Konstitusyon, labis nang nakabaon ang pangingibabaw ng Katolisismo. Sa kasalukuyan ay mayroong mga relihiyosong impluwensya sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Filipino. At kung titingnan ang imahe ng Itim na Nazareno, naglahad si Sorita ng tatlong dahilan kung bakit malakas ang debosyon ng mga deboto nito. Una, ang impresyon ng pagkakaroon ng ugaling malinis, ikalawa ay ang pakiramdam ng pagkakaisa ng mga deboto, at huli, ang pagtugon sa pansariling pangangailangan sa mga materyal na bagay.

Ayon kay Sorita, ang estado sa buhay ng isang indibidwal ay maaring makaapekto rin sa lalim ng kanyang pananampalataya. Makikita sa isang pag-aaral na isinagawa ng Pew Research Center na kadalasang mas mahirap ang mga bansang maraming relihiyosong mamamayan kaysa sa mga bansang hindi ito gaanong binibigyang halaga. Napansin din ni Sorita na kapag ang isang tao ay may materyal na pangangailangan, umiigting ang pagkapit niya sa kanyang pananampalataya. Makikita ang ganitong gawain sa pabago-bagong dami ng dumadalo sa Katolikong misa tuwing Linggo. Sa mga panahong malapit sa ikalabinlima o ikatatlumpung araw ng buwan, kaunti lamang ang dumadalo sa mga misa. Ngunit, tuwing petsa de peligro ay puno na muli ang mga simbahan. 

Mapapansin din na mahilig magdiwang at dumalo sa mga pista ang mga Filipino. Pinagdiriwang ang samu’t saring pista tulad ng: Fagfagto ng mga taga-Bontoc; Santacruzan, kung saan binibigyang-puri ang buhay ni Santa Elena; Ati-atihan ng mga taga-Kalibo Aklan; at marami pang iba. Ang mga pagdiriwang na ito, na nakaugat na sa pananampalataya ng mga sinaunang Filipino, ay ngayo’y  nagpapakita ng walang humpay na pagmamahal ng mga Filipino sa kanilang kultura at paniniwala. 

Ang debosyon na bahagi ng ating kultura ay nagsisilbing representasyon ng pagbibigay-halaga natin sa pananampalataya at sa pagkapit natin dito. Dahil higit nitong pinatatatag ang ating pag-asa at pagkakaisa. Malawak man ang ating kultura at iba-iba man ang ating paniniwala, hindi nito mahahadlangan ang maigting nating pagkapit sa ating debosyon. Ikaw, gaano katatag ang iyong debosyon? Angel Zafra at Uno Sta. Ana

Sanggunian:

Bagaoisan, A. (2016). Why Filipinos are among world’s most religious. ABS-CBN. https://news.abs-cbn.com/focus/01/07/16/why-filipinos-are-among-worlds-most-religious

del Castillo, F. D. (2016). Gospel-culture relation of traditional Filipino religion and Catholicism. The International Journal of Religion and Spirituality in Society, 6(2), 41-47. https://www.researchgate.net/publication/289166646_Gospel-Culture_Relationship_of_Traditional_Filipino_Religion_and_Catholicism

Manzano, S. (2010). Filipino devotions and other religions. The Philippine Catholic Church. http://catholicchurchph.blogspot.com/2010/03/filipino-devotions-and-other-religions.html

Miller, J. (n.d.). Religion in the Philippines. Asia Society. https://asiasociety.org/education/religion-philippines

Leave a Reply